Gusto kong
magsulat pero di
ko magawa
Mina
Gusto kong magsulat pero di ko magawa
Ahhh.saan nga ba ako magsisimula?
Mag-aapuhap ba ng taludtod sa diwa?
O magsisimulang gumuhit mula sa alaala?
Gusto kong magsulat pero di ko magawa
Ilang oras pa kaya ako sa harap ng desktop tutunganga?
Makahahanap kaya ako ng inspirasyon sa isa pang akda?
Babasa ng aklat o makikinig ng musika?
Gusto kong magsulat pero di ko magawa
Tila madamot ang isipan sa pagbigay ng talata
Nangangapos din,aking balon ng mga salita
At imahinasyon,tila nag boycott din yata.
Gusto kong magsulat pero di ko magawa
Saan titingin at susuling,alumpihit ang makata,
Nais ay makatapos ng isang akda,
Subalit,kaisipan ay tila nakatanikala.
Gusto kong magsulat pero di ko magawa
Aba,taludtod ay nakaka apat na!
Hmmm...mukhang ito ay hindi na masama
Nakatutuwa,ako'y may isa na namang likha...